Saturday, October 26, 2013

Eleksyon Season

Antagal ko na palang hindi sumulat.

Dahil sa darating na election kaya ako nagka oras nanaman tumutok sa laptop at mag-umpisa ng walang ka kwenta kwentang sulatin na ito. Gusto ko kasing maintindihan ko ang sarili ko kung bakit ayaw ko bumoto. Malaki ang naitutulong ng pagsusulat sa akin na ma-analyze at ma-evaluate ang mga pananaw ko sa buhay na:

1. Walang kinalaman sa iyo

2. Wala ka rin naman pakialam
3. Minsan komplikado lang talaga


Andami kasing kinwento nung manong taxi driver na nasakyan ko kagabi. Sabi nya sa akin habang dumadaan sa kalsada na itatago ko sa pangalang “Roosevelt”, “Nung napadaan ako sa monumento noong isang gabi, napakaraming banderitas ng mga kandidato! akala ko fiesta! Magkano rin ang ginamit dyan, kung ibinili na lang nila ng pang araw-araw na gamit ng tao, edi mas may silbi pa, magiging basura lang yan eh!” Naisip ko tuloy, oo nga naman, nakakainis nga naman makita ang sandamakmak na mukha ng mga kandidato na anlulusog, nakamamahaling damit at yung iba, naka contact lense pa! Kung bata ako na first time makakita ng ganoon, iisipin kong mga artista sila na nageendorse ng pagkain at pagkatapos ng eleksyon, saan ba mapupunta ang mga banderitas kundi sa basura o sa drainage lang, baka maging sanhi pa ito ng baha. Naalala ko rin ang pagkainis ko sa twing may maririnig na campaign jingle to the tune of “One Thing” ng One Direction at “Fireworks” ni Katy Perry. Sa luob luob ko, paano nila naaatim na magtawag ng boto gayong alam naman nila na aware ang mga tao sa corruption? hindi naman ito bagong konsepto sa pilipinas, bata palang ako eh lagi nang laman ng usapan ang graft and corruption. Saksi ang henerasyon ko sa pagumpisa at paglala ng korapsyon dito sa pilipinas at iyon ang target market ng mga kandidato ngayon hindi ba? mga boto ng mga bagong rehistrong botante. Pero balik tayo sa tanong ko, bakit nga tuloy padin ang harana nila kahit alam nilang aware tayo na gagawa rin naman sila ng kalokohan pagkaupo nila? Ganoon ba ang epekto ng contact lense? ng magarang damit? ano ang kinakabit ng mga kandidato sa katawan nila para maging ganoon katibay ang sikmura?


Garapal = isang napakamakapangyarihang equipment (hindi ko alam tagalog ng equipment. sorry.)


Alam naman ng marami na hater talaga ako. hater po ako ng maraming bagay. Hindi ako madalas makisali sa mga bagay na naeenjoy ng maraming tao. Pero nirerespeto ko po ang mga ito. Dahil sa pagiging hater ko, naniniwala ako sa konsepto ng gradualism, na may mga bagay na mas magandang daanin sa bagal. Hindi laging pareho ang resulta ng trabahong minadali at trabahong matagal bago natapos. Oo, minsan kailangan ma-meet ang deadline pero kung kaledad ang usapan, doon ako sa trabaho na ginamitan ng matagal na pagiisip, paghahanda at pagiingat. Ganyan rin ang pananaw ko sa pagunlad ng pilipinas. Hindi ito kagaya ng sinasabi ng mga kumakandidato na babaguhin nila ang pilipinas ng mabilisan. Maguumpisa ito sa pinakamalalim na parte ng kukote ng bawat pinoy. Unti unti itong mangyayari na halos hindi mapapansin at matagal na panahon ang igugugol dito. Naiimagine nyo ba? na kapag naasam na natin ang pagbabago, mas dama kung pinaghirapan ng lahat. Hindi lang ng mga kandidato. Simbolo lamang sila ng pagbabago pero tayo talaga ang solusyon. tayong lahat.


So ayun, kaya pala ayaw ko bumoto eh kasi iniisip kong wala nang pag asa ang pilipinas. tama po. yan nga ang iniisip ko, ngayon ko lang narealize. Kasi nga masyado na tayong lubog sa kumunoy na tayo rin ang gumawa na hindi na natin kaya isalba ang mga sarili natin. ang tulong ay kailangan nang maggaling sa labas ng kumunoy. Kailangan may makakita muna sa atin kung gaano tayo kalubog tapos sila ang tutulong sa atin. Ganon ang naiisip kong natitira nating pag asang maka ahon. Pero napaka liit ng chance mangyari yon. kasi:


1. Wala naman tayo sa kumunoy talaga
2. Yung kumunoy natin hindi kasing obvious ng tunay na kumunoy so mahirap makita ng iba
3. Natatawa ako kapag naririnig ko sa isip ko ang salitang “kumunoy”


Kaya salamat kay manong taxi driver. Inspired padin ako sa kanya kasi parang “he has it all figured out”. Yung naka contact lense po ay itatago ko sa pangalang “Vincent Belmonte”. Blue po ang mata nya doon sa banderitas nya. nakakainis pong makita. Parang gusto nyong sunugin yung kaluluwa nya.

No comments: